Philippine Consulate General in Miami > Honorary Philippine Consulate in Miami >> About the Philippines >> The President >> Speeches

Speeches

23/09/2010: President Benigno S. Aquino III’s Speech during a Meeting with the Filipino Community at Mason Hall, Baruch College, New York City, USA

PRESIDENT BENIGNO S. AQUINO III’s SPEECH
DURING A MEETING WITH THE FILIPINO COMMUNITY
Mason Hall, Baruch College
East 23rd St. and Lexington Ave.
New York City, USA
September 23, 2010
09232010C

(applause) Maraming salamat ho.  Maupo ho tayo lahat.

Magandang gabi ho.

Kagalang-galang Ambassador Willy Gaa; Consul General Cecilia Rebong; of course, Ms. Loida Lewis; Secretaries Cesar Purisima, Greg Domingo, Rene Almendras and Bert Romulo; sa atin pong mga community leaders at mga kababayan nanggaling sa mga Estado ng New York, New Jersey, Washington D.C., Massachusetts, Connecticut, Pennsylvania, may Ohio pa ho pala, Virginia at saka yung Texas, wala hong California? (laughter)

Magandang gabi po sa ating lahat.

Sa totoo lang po meron tayong hinandang talumpati, eto po yung hard copy nandito po sa teleprompter yung talumpati mismo, pero palagay ko ho’y itabi na natin yung talumpati para malaman niyo (shouting and applause) nanggagaling po sa puso talaga yung ating sasabihin. (applause/somebody from the crowd saying: “We love you ho”) Mahal ko rin kayo lalo na po ‘tong dalawang beteranong kasama natin na parang brand new ho yung aking poster. (applause) Naitago pala niyo, salamat ho. (applause)

Nung nagsasalita po si Ginang Lewis kanina, sabi niya may limang request ako.  Ako po’y medyo ninenerbiyos, (laughter) ano kaya yung irerequest niya? At karamihan naman po reasonable at sensible. Naalala ko ho kasi baka tanungin niya sa akin, kailan ka ba ikakasal? (shouting and applause) At kung yun ang itatanong niyo yun po wala akong sagot. (laughter) Masasabi ko lang po’y umaasa tayo hanggang sa ngayon. (laughter) Sagutin ko ho muna yung mga kahilingan kanina, alam naman po niyo ako’y public servant, kayo po ang amo ko at tiyempung-tiyempo naman po meron tayong dalawang mambabatas na kasama ngayong gabi nandito pa parehong Batangueño -- si Senator Ralph Recto (applause) at si Congressman Dodo Mandanas. (applause)

Sila po’y mga matibay na haligi po ng atin pong partido sa Senado at Kongreso, sa kanila ko po ipapasa yung inyong pakiusap ng pag-aamiyenda (laughter) ng Overseas Voting Act. Alam ho niyo nilagay po yung return to the Philippines dahil ang debate po nung araw ay mahirap raw ho naman divided loyalties, hindi ho ba? So, palagay ko naman kung yung three years ay masyadong mahigpit baka pwede naman hong pag-usapan kung ano nga ho ba ang magde-demonstrate nung talagang kagustuhan natin na babalik po doon sa Pilipinas para mabuo ang makilahok sa usapang pampulitika doon.  Magagaling po yung mga kasamahan natin galing Batangas eh makikipag-usap ho ako sa kanila para nga matugunan natin yung unang kahilingan niyo.

Doon sa pangalawang bagay naman po yung sa Medicare magkakaron ho kami bukas ng pagkakataon ni President Barach Obama magka-usap kaya lang nga ho sampu kami ng ASEAN na kausap niya. (applause) Ibig sabihin po noon mga tig tretreinta sigundos kami hanggang isang minuto. (laughter) Alam naman ho niyo meeting ng General Assembly lahat ho yata ng bansa sa mundo ay nandito ngayon sa New York kasama na po yung mga galit kay President Obama. (laughter) So, isisingit po natin at mukha namang napaka resonable po nitong pakiusap na ito. Kung maaari yung galing sa Guam bakit naman ho hindi galing sa contiguous  ______  state. (applause)

Doon sa legal aid front eh baka kailangan pong pagre-refine, pagsasaayos ng kaunti pero sa ngayon po hindi talaga tumitigil ang ating DFA at ang ating DOLE (Department of Labor and Employment) na mangalaga sa atin pong manggagawang nasa labas ng Pilipinas. Yung mga abogado po ay kinukuha nila nakikipag-ugnayan tayo hindi lang po dun sa sistema pangligal kasama na rin po yung pakikiusap.  Kunwari sa Middle East ay yung mga Emir, yung Sheikh, yung Hari para bigyan ng tulong ang ating mga kababayan na nalalagay sa alanganin sa kanila pong mga bansa.

Yung pang-apat po sa alok na pautangin ang gobyerno po natin, marami pong salamat. (laughter) Pero sa totoo lang po ano yung ngayon ho nagkakaron tayo ng pagkakataon na talagang isaayos yung utang na talagang delubyo. Yung sa totoo lang po si Secretary Purisima, ang ating mandando sa pagsasaayos ng ating pananalapi, nakakagawa na po ng paraan na kung saan yung mga malapit ng bayarang utang ay naipalayo yung pagbabayad at siyempre ho habang tumatakbo ang panahon yung mas mahalaga ho yung pera ngayon kaysa yung pera sa darating na panahon. So, makakatipid ho tayo sa kabuuan doon sa utang.

Kami naman po sa gobyerno natin, sa administrasyon natin ay nangako nga ho, “kung wala ngang corrupt, wala hong mahirap.” Ano pa ang pinaggagawa na natin? Pagtuntong pa lang ho ng administrasyon sa kapangyarihan, unang-una pong ginawa, lahat po ng mga sekretaryo inatasan kong tignan ang bawat departamento niyo at tignan kung ano ang kundisyon. At marami ho tayong nahabol na pananamantala at napigilan. Halimbawa po, sa Department of Public Works and Highways, meron pong mga project nagkakahalaga ng tatlong bilyon, may kaugnayan doon sa pagsalanta ng Ondoy at Pepeng. Yung tatlong bilyon po ay, higit kumulang mga dalawang linggo lang natitira sa dating administrasyon, eh ginawa po nila nagkaroon ng negotiated bidding. Ibig sabihin po nuon wala ng bidding, ninegosyo na lang nila. (laughter)

Swerte po natin naabutan natin yan yung one billion  na na-award nila eh binawi ni Secretary Singson, Babes Singson at hindi ho nagamit nang mali. Eto po idadaan natin sa normal na proseso kung saan talagang magiging transparent yung bidding process. Mapupunta sa pinakamagandang alok po sa gobyerno, mapalaki natin yung ginhawang madudulot nitong tatlong bilyong pisong ito. (applause)

At hindi lang po sa kanila, sa Department of Agriculture po, nakipagtulungan ang pribadong sektor, binigyan tayo ng tip, may kinukuhang makinarya ang Department of Agriculture. Sabi po nung nag tip sa atin paki-check ho niyo mukhang pinilit na iisang kumpanya na lang ang magiging qualified diyan sa makinang yan. At ang masakit pa doble raw o triple ang sinisingil sa atin. So, pinasiyasat po natin yan sa Department of Science and Technology, lumabas po tama yung sinasab -- yung kailangan po ng DA inoverspecify. Inilagay sa tamang lugar, kaagad ho kalahati na lang ang babayaran natin dun sa muntik na namang pinalusot na dobleng halaga. Yan po ang pinipilit nating mangyari sa lahat po ng sangay ng gobyerno.

Maliban pa ho doon sa corruption -- kung minsan lang nga ho baka meron ding kadikit doon sa corruption. Sa highways naman po, merong tinatawag na slope protection, yung mga karsada po meron mga katabing bundok, pag wala hong damo, walang halaman, yung lupa guguho, sarado yung karsada o sisirain yung karsada. So nung dati po slope protection na ginagawa ginagamit nila ang kongkreto, tawag po sa proseso “shotcrete,” may wire mesh papatungan ng semento. Ang problema lang ho nung teknolohiyang yun yung lupa nagko-contract, nage-expand kung mainit, kung malamig. Yung kongkreto mangyari nang mangyari hindi na ho lumalapad, hindi kumikitid. So pag gumalaw-galaw yung lupa basag si kongkreto, pag nabasag tuloy-tuloy sira, susunod na taon may bago na namang kontrata yung gumawa. (laughter) Tama ho ba?

So, ang ginawa po ng ating Department of Public Works and Highways -- ang ganda po nito, ecologically-friendly pa -- yung buko po na kukuhanan ng fiber tawag ho cocowire o quire, yung gagawin ho lalabas ho noon parang lubid galing sa abaka. Ipapatong po yung mga nets sa lupain na lalagyan ng damo or nagkakaron ng damo nang kusa, yung damo ngayon ang tatangan doon sa lupa. So ito po ay matitipid o magiging daan na makatipid ang gobyerno sa three billion budget yearly ng 2.5 billion pesos -- (applause) P500 million na lang po ang gagastusin.

Natural po yung 2.5 billion na yan pwede sa highways, pwede dalhin sa education, pwede dalhin sa Philhealth, marami hong pag gagamitan. Yan po ang ibig sabihin ng good governance -- may patutunguhan dahil hindi po yung bulsa namin ang sinisilip namin. Ang tinitignan po namin, kaya ba namin harapin ang bawat isang kababayan natin at masabing tama ang ginawa namin para sa inyo, at yun po ang pinipilit nating mangyari. (applause)

Yung alok po niyong pautang, aatasan ko po si Secertary Purisima na makipag-ugnayan sa inyo, baka nga naman mas mababa yung interes niyo, (laughter) sayang naman.

Pero alam ho niyo, natutuwa rin ho kami dahil nung unang buwan ng ating paglilingkod eh talagang araw-araw ho andaming bad news na iniwan. Yun bang hindi ho kuntento sa nine and a half years, gusto pang dagdagan yung salanta sa atin. So, eto hung Setyembre marami naman hong good news, amongst them-- hindi naman po sa atin kasing budget na pwede pang ilipat. Tignan po niyo yung calamity fund, yung calamity fund po halos 1.4 to 2 billion pesos. Ang masakit po nito nung dumating yung Ondoy wala pang kalamidad naubos yung pondo. (laughter) Yun pala yung kalamidad inubos yung pondo. (laughter) Tapos akala naman ho natin, tapos ang paliwanang ho  ‘no, yung mga dating salanta na isinasaayos doon ginamit yung calamity fund. Ang problema ho nung may calamity fund pang emergency, hindi mo naman masasabi may darating bang bagyo mananalanta?

So kailangan may pondo kang pang tustos. Pero doon ho merong mga nasira  ng dating bagyo o dating kalamidad kukunin doon sa calamity fund, bakit ho ginagawa yun? Mas madali ho kasi doon sa paglalagay sa bulsa pag calamity fund, mas konti yung prosesong dadaanan, yung safeguards mas konti rin dahil nga emergency ang pangangailangan nung calamity. Eh yung emergency hong nangyari eh yun, kung sakaling may dumating na Ondoy o Pepeng na naman eh yun na naman ang kalamidad natin.

So, sa totoo lang po, inubos na naman itong 201. At ang masakit ho, yung pangalawang bagyong dumating ako na po ang presidente (laughter) at ang iniwan sa akin nga... buti naman ho -- ibigay naman natin ang credit ‘tong tama -- hindi naman ho utang ang iniwan sa akin sa calamity fund, zinero lang. (laughter) Buti na lang ho, may matitipid tayo tulad nga doon sa Department of Public Works and Highways na ililipat natin kung kakailanganin.  Alam naman ho niyo sa Pilipinas, dalawampu’t tatlong bagyo na ang dumadaan sa atin eh. Pag nanood ho kayo ng Discovery Channel, parang “The Planet Worldwide” ho yata ang title noon eh. Para hong tayo ang gate eh ng Asia, pag tumakbo yung bagyo, lahat dumadaan sa atin. Sana nga ho merong benefit pag sa atin dumadaan eh.

Anyway ho, ang good news ho, nitong Setyembre, naitala na po natin na nakatipid tayo, naging masinop tayo, iniwan ho sa ating pondo kasi kumulang diyes porsiyento, kaya kalahati ng taon responsibilidad ko ang pondo hindi kalahati, diyes na lang. (laughter) Yun lang ho ang puwede nating ilipat-lipat sa puwedeng... yung mga pangangailangan po ng gobyerno, lahat ho ginastos na ho, inobliga na. Ang maganda po, dalawang buwan pa lang tayo sa gobyerno, nakatipid na ho kaagad. Talagang naging masinop tayo, nakatipid ho ng 24 billion pesos kung hindi ako nagkakamali (applause) sa gastusin at nagkaroon ho ng sobra sa budget -- ito po ang program of expenditures, ito ang ating cash position, sobra ng mahigit isang bilyong piso. Siyempre, pangalawang buwan pa lang ho yan, bigyan  pa ho niyo kami ng konting oras, palalakihin pa natin yan.  (applause)

Ngayon, total naman ho nag-aalok kayo ng tulong eh sasamantalahin ko na rin.  (laughter)  Yung ating industriya ng garbage, dati ho umaabot halos ng walong daang libong katao ang nakikinabang diyan -- empleyado, lahat ng konektado sa industriyang yan. Ngayon po, nasa 180,000 na lang, namamatay na po yung industriyang yan.  Ba’t ko ho nabanggit yan?  Meron kasing panukalang batas, ang pangalan po ay Save Our Industries Act or SAVE Act.  Ito po’y nasa kongreso ng Estados Unidos.  Ano po ang hinahabol nitong batas na to?  Dito po sa Amerika, marami po yung textiles at saka yarns na industry, na maraming textiles, maraming yarns, walang magtatahi. Sa Pilipinas naman po, maraming mananahi, wala namang pantahi. (laughter) So, yung mga nasa industriyang ito, nagkaisa, nagkasundo at naipasok at kumausap ng maraming kongresista at senador para isulong itong panukalang batas na ito.

Pero alam naman po ninyo dito sa demokrasya, at alam naman po ninyo sa Estados Unidos, pag hindi natin kukulitin ang mga miyembro ng Kongreso, eh baka maiwan ito. Pero ano hong mapapala natin? Isipin niyo kapalit. Susulat kayo sa kongresista niyo at senador ninyo. Ilang minuto ho yun? Mga dalawa o tatlong minuto siguro. Isama na natin yung pagkabit ng selyo at ilagay sa mailbox. Bigyan na natin ng isang minuto pa, sabihin na natin limang minuto yung buong proseso. Ano kapalit ho noon? Tinataya ko ‘no, sa loob ng dalawang taon, dalawang-daang milyong dolyar na U.S. fabric ang mabebenta at yung amount na ito ay pwede pang lumaki ng $500 million in five years.

So, ang hinahabol lang ho ay... ang hinahabol pang dagdag, magkakaroon ng dagdag na dalawang libong trabaho dito sa Amerika, pero sa Pilipinas ho mas matindi, dalawang-daang libong trabaho ang maki-create, okay. (applause) Ang kailangan po,  baka pwede nating mapadama, malapit na po eleksyon eh, hindi ba? Kailangan natin mapadama, third largest migrant community -- kung hindi ako nagkakamali -- ang Filipino community. Ngayon kung paramihan lang ng asosasyon at organisasyon, talo natin sila lahat. (laughter) Pero baka naman dito, pwede tayong magkabuo, ‘di ba? Limang minuto, tapos, matatapos tayo diyan dalawang-daang libong trabaho sa atin, dalawang libo dito. Mukha hong sulit na sulit. Pwede ko ho ba kayong maasahan? Sulatan natin ang ating mga kinatawan. (applause)

Baka naman ho sakaling may sobra pa kayong oras. Gusto niyong mag imungkahi sa iba pa nating mga kausap. Hindi naman ho kailangang Pilipino, hindi ho ba? Pwede naman hong ibang pinanggalingan at makadamay natin maisulong ‘to sa lalong madaling panahon. Baka naman ho kasi pag naipasa ‘tong batas na ito, yung 180,000 na natira eh baka wala na rin po. So, kailangan, seryosong-seryoso po, kailangan namin ma-mobilize sa inyong tulong dahil ito lang ho ang paraan para talagang maging batas itong panukalang batas na ito.  So, pwede ko ho bang asahan yan? (applause)

Hanggang ngayon po, hindi ko pa rin masasagot yung tanong niyo kung kailan ako ikakasal. (laughter) Itatanong ko na lang sa kaibigang Ralph ko kung gaano kasaya siya na kinasal na siya. (laughter) Anyway ho, ito ho siguro talagang pinaka-importanteng mga dapat kong sabihin sa inyo ngayon.

Ako po’y huling bumiyahe 11 years ago, kasama ko ho si Presidente Estrada noon sa kanyang working visit  dito. Noong ako’y kinukumbinsi na bumiyahe, sabi ko po sa ating economic managers, “wala na nga tayong pera, babiyahe pa tayo. Yung kakaunting natira dito, lalo pang mababawas.” Tapos ipinaliwanag po nila sa akin, marami tayong pagkakataon dito.

Alam ho niyo kasi, ‘di natin maiiwasan, kung dito marami hong  organisasyon, sa Pilipinas ho marami kani-kaniyang interes rin eh. Isipin ho niyo, kanina kakatapos lang ho namin na ako po’y nag-witness pagpirma po ng Millenium Challenge Corporation’s grant to the Philippines. Magkano po yun? -- 430 million dollars. Grant po, wala tayong babayaran, hindi po ‘to utang. (applause)

Tulong ng mamamayan, gobyerno ng Estados Unidos para ayusin po yung ating BIR, para doon sa KALAHI-CIDSS program. Para rin po sa kalsada’t mga tulay ng dalawang probinsya ng Samar.

Ngayon ho, yung bago ako umalis, pag kakarating ko ho dito, meron hong mga bumabatikos sa atin. Bakit raw ako bumiyahe, gagastos ng 25 million pesos. Sabi ko, “alam niyo gastos tayo ng 25 million pesos, mag-uuwi tayo ng 430 million dollars, mukhang pwede na yatang palitan yun.” (applause)

Hindi lang naman ho doon natapos. Meron na ho tayong mga… wala na ho tayong ginawa nung dumating dito kung hindi makausap yung ibang mga miyembro ng gobyerno ng iba’t-ibang bansa. Pero marami rin pong mga negosyante na nagsabi sa atin ng kanilang mga plano na magdadala ng investments at saka trabaho sa Pilipinas.

Ngayon hindi naman ho nila ako makukumbinsing pumunta dito kung isang daang trabaho lang ang pinag-uusapan at hindi lang ho isang libo. Mga ilan ho ba yan? Eh sensitive topic raw po ngayon ay election year na baka mawawalan ng trabaho. So, iwan na lang  po natin ang napakaraming trabaho talagang iuuwi natin. (applause)

Meron ho talagang mga natira na talagang gustong bumalik sa panahon ng pagsasamantala sa kapwa. Kami naman po’y kabilang curve na. Kami po’y nabigyan ng pagkakataon dito para makasiguradong mag-asikaso tayo sa isa’t-isa. Dahil kung tayo po’y buo, kung tayo po’y nagdadamayan at kung tayo’y nag-aasikaso sa pangangailangan lalo ng pinaka-kaunti ang kakayahan sa buhay, eh ‘di wala tayo talagang patutunguhan kung hindi paangat nang paangat nang paangat. Hindi ho ba? (applause)

Ngayon pa lang po, dadalawang... lagpas dalawang buwan pa lang ho tayo sa pamamahala. Yung stock market ho natin. Minsan nga ho nakakakaba ng kaunti, na yung dati ho yung 4,000 na level para bang the unreachable star kung kakantahin ng tatay ko dahil 3,700 pa lang nagpapalakpakan na yung index, naging 3,800  lalong pumalakpak. Naging 3,900 pumalakpak na naman lalo.

Niyaya ako ng stock exchange, sabi nila pumunta ka na baka mag-correct. Eh yung correct ko bababa eh at baka ako pa malas. (laughter) So, pagdating ko po doon, sabi nila paki-kampana itong ating bell. Kung pwede pinakamalakas na kaya mong gawin. Nag-aalala nga ako baka mapigtas na yung tali at saka yung kampana. Pero pag-alis ko po, nilampasan yung 4,000, naging 4,011. (applause) Nag-correct ho nang kaunti. Susunod na araw, dalawang araw 4,013. Ngayon po’y nasa 4,087 na. (applause) Tanda po yan ng kumpiyansa na paganda na ang sitwasyon sa atin pong Inang-bansa.

Yung ating pong global-peso bond offering. First time, normally, pag-uutang ka, dollar rin ang denomination or euros or japanese yen. First-time po, piso ang inilagay doon, piso ang hiniram, piso ang ibabalik natin. One billion dollars po ang halaga, 13 times oversubscribed. Ibig sabihin po, kada isang bond, labing-tatlo ang naghahabol doon sa bond na yun. (applause)

Pero meron ho talagang mga tao eh, malungkot sila pag masaya ang Pilipinas, (laughter) masama ang loob nila habang gumaganda tayo, kailangan... sila po yung crab mentality.  Sila yung pinakamalaking crab eh. Alam ho ba niyo yung kuwento nung crabs? Hindi pa ho ba? Medyo luma na yun, pasensiya na ho sa mga nakarinig ha?  Meron lang ho kasing, dito ho sa Amerika yata nangyari, may dumating mangingisda, crabs ang hinuhuli, meron siyang isang batya ng alimango.  So, nakita ho nung katabi niya sa bar, uminom pa eh, umiinom sila sa bar, nakita nang katabi niya, Amerikano, sabi niya, “Hey! buddy, your crab is about to escape the pail.” Umaangat ho kasi.  Sagot ho nitong mangingisda, “Don’t worry, they’re Filipino crabs.”  (laughter)

Noong una ko hong narinig yan, ‘di ko gets. (laughter) Ibig sabihin noon pala ano, ‘di ba kada may umaangat, may hahatak. (laughter) Eh dito ho sa Amerika nangyari yan, ang masakit ho inexport niyo, binalik niyo sa Pilipinas eh. (laughter) Maganda na nga ang takbo, pero sa kanila pag yung... hindi ba yung hindi niyo nagawa ng halos isang dekada, sa dalawang buwan, marami-rami na kaming nagawa.  Hindi dahil sobrang galing namin, o ‘di hamak mas guwapo kami sa inyo, (laughter) pero dahil kasama namin ang taong-bayan number one, (applause) at number two, tama ang direksyon po namin  na itinalaga kami. (applause) ‘Di ho pala kayo nakikita masyado diyan sa taas, pasensiya na po kayo, malakas ho ‘tong spotlight eh.  Pero ang punto nga ho noon, ano? Hindi sila titigil, pangakong-pangako nila pagkatapos daw ng isandaang araw ng aking panunungkulan, hindi nila ako tatantanan, mga kasamahan ko sa administrasyon na ito, na babanatan kami nang babanatan at wala na silang pakialam kung mas maganda pang pakinggan yung kuwentong kutsero.

Talaga hong, siguro ho bago matapos ‘tong taon na ‘to, kasama na kami sa mga pumako kay Hesukristo sa krus. (laughter)  Baka naman ho si Hudas Barabas eh pinalitan namin. Dahil nga ho, siguro guilty na rin ho eh. May pagkakataon kayo, termino po ng presidente anim na taon, hindi ho ba?  Sila, halos sampung taon, paulit-ulit yung pagkakataon at saan tayo dinala?  Hindi ho ba?  Kaya naman criniate namin yung Truth Commission.  Hanapin nga natin, ano nga ba talaga pinaggagawa niyo?  Para masigurado natin, number one, yung may kasalanan, magkaroon ng tiyak na kaparusahan.  Pangalawa, yung mali hindi na mauulit. (applause)  Meron hong bumubulong sa likod ko eh, “ang akala mo tapos na yung araw mo, may lakad pa tayong isa.”  (laughter)

Sa totoo lang ho, sabi nga ng mga kapatid ko, nung kampanya raw ho, hindi ako pinapatulog. Totoo po yun, ‘di ho ako pinapakain, madalas po ‘memo rice’  -- (laughter) bago hong hybrid rice yan -- (laughter) alaala na lang. Pero nagugulat sila, alam naman niyo yung kampanya sa atin. Hindi naman lahat may internet connection. Yung  ating mail, hindi naman ho nakakarating lahat ng sulat. (laughter)  Kumbaga, halos talagang lalapitan mo bawat isang Pilipino at hihingin mo yung boto niya.  Pero nagtataka yung iba, bakit raw parang ang lakas-lakas ko? At talagang naramdaman ng mga kapatid ko na basta nakahalubilo ko ang mga kababayan ko, lumalakas po ako talaga. Kaya maraming-maraming salamat. (applause)

So, hindi natin makakalimutan yan, okey, okey. Parang maraming kayong pinsan doon, yayayain niyo kami, okey rin.  Bottomline ho, ano, nung unang gabi ko ho dito, nakatulog ho akong mahaba, four hours. (laughter)  Ba’t gising na gising na ako? Kagabi naman po, lalo tayo siyempreng hapung-hapo, ano? Ang masakit ho, pinatulog ako, dalawang oras gumising na ako. Sabi ko bakit ako gumigising, kakapikit ko lang.  At aaminin ko ho sa inyo, may mga parte ho noong araw, itong araw po kasi, labingtatlo ang lakad namin eh.  At hindi naman ho biro yung mga nakakausap natin. Inumpisahan ako ng Wall Street Journal, sinunod si Henry Kissinger, puwede ba naman ho tayo tutulog-tulog habang kausap ko. (laughter) Ngayong gabi po, si Secretary of State Hillary Clinton, alangan naman hihikab-hikab ako sa kanyang kausap. (laughter)  Siyempre, kinakatawan natin ang Pilipinas, mahiya naman tayo.  Baka naman itulak niyo ako sa Hudson River. (laughter)

Pero ulit-ulitin ko lang mga kapatid, ako naman po’y nanirahan din sa Amerika ng mga kulang-kulang mga dalawa’t-kalahating taon. At nung panahon namin, problema ho doon, ‘di ka tiyak makakauwi.  Kayo ho iniisip niyo yung green card, ako po passport lang eh. (laughter) Dahil pagdating ho dito, ininvalidate na lahat yung passport namin. At sa winter po sa Boston, ang advertisement po galing sa Florida, yung warm breeze and palm trees of Florida. Habang nangangatog po ako doon sa bahay namin na ginawa nung 1927, yun bang  itsura ng puno nga ho nagsi-sway, naalala ko po yung Pilipinas tapos meron hong isang Pilipina, asawa po ng doktor, kapitbahay natin doon sa Boston, nagluluto ho ng kutsinta.  Ang problema ho, isa lang siyang nagluluto noon, so lahat ho kami tigdalawang piraso. (laughter) Tigdalawang piraso ho kada  taon. (laughter) Kaya huwag ho kayong magtataka kung mga dadating na araw eh may makita kayong litrato, basta may kutsinta ho, para akong automatic na bibilhin ko ho yun. So natikman ko na ho lahat yan, yung may food coloring, yung walang food coloring. (laughter) Yung may niyog na recycled, yung bagong niyog, lahat ho yan, okey po sa atin yan.

So, ano ho ba ang pinupuntirya ko lang?  Kayo ho umalis ng bayan natin, karamihan ho, ano, dahil nga sinasabing ‘no choice,’ ‘di ba?  Naobliga, kung gusto niyong umasenso, kailangan niyong hanapin ang kapalaran niyo sa ibang bansa. Kami po, pinipilit namin na kung saka-sakaling lilikas sa ating bansa po dahil gusto, as opposed to napilitan, yan po ang trinatrabaho natin diyan.  Kayo po, nagsakripisyo nang napakalaki para sa inyong sarili, sa inyo pong pamilya, hihirit pa po ako, papakapal na ako ng mukha -- siguro pampalit na ho yung panipis na buhok -- (laughter) kung pupwede po, konti pa hong dagdag, yung bayan po natin, umaahon na ho, pero hindi pa ho nakaahon.  Kailangan po kayo, sana po damayan natin ang ating Inang-bayan.

Magandang gabi po, maraming salamat sa inyong lahat.  (applause)

*   *   *